Hindi na ako makaiyak. Kahit na ba sandamakmak na ang problemang dinadala ko, hindi ko pa rin magawang umiyak. Kahit na gustong gusto ko na, hindi ko pa rin magawa.
Bato na nga siguro ako. Wala ng puso. Wala ng maramdaman. Tanggap na lang ng tanggap ng kung anong problema, tapos hahanap na lang ng solusyon kung meron man, tapos aayusin tapos lipat na naman sa panibagong problema.
Kahit sobra sobra na. Kahit ang bigat bigat na. Sige pa rin ang aking pagdadala.
Hindi ko na ata kasi kayang magtiwala pa sa tao. Ilang beses na rin kasi akong nasaktan nung nagtiwala ako. Nung nagbigay ako ng konting pagkatao ko. Basta nung binigay ko yung kahit konting parte lang ng puso ko – wala. Ganon pa rin. Laging ang bottom line e – nasasaktan ako. Kaya wala na talaga. Ayaw ko ng magtiwala. Lagi lang rin naman akong nasasaktan.
Kahit nga sarili ko – wala na rin akong tiwala e. Minsan nga, napaka-stupido na ng mga ginagawa ko pero sige pa rin. Pag mali ang kinalabasan – ok lang, may solusyon yan. Magagawan ng paraan. Kahit na masaktan, wala lang. Tuloy ang laban. Hindi pwede ang mahina. Hindi pwede ang umiiyak. Go lang ng go.
Madali lang naman mag-maskara ng problema e. Lagi ngang tingin ng tao sa akin e – ok ako. Ang saya saya ng buhay ko. Carefree lang. Walang dinadalang kahit anong pasanin. Kung alam lang nila. Sa likod ng mga ngiting pinapakita ko, sa likod ng mga tawang binibigay ko – ay isang taong problemado. Hindi lang talaga halata. Kasi nga hindi na ako umiiyak.
Ang dami ko minsang tanong nga lang. Bakit ganito? Bakit kelangang maging ganito? Bakit hindi na lang ganito ang kalabasan? Bakit hindi ako makaiyak?
Haay…
Wala na. Wala na talaga. Di bale na lang. Talagang ganito e. Anong gagawin ko kung hindi ko na magawang umiyak? Kahit na sobra na talaga. Kahit na ang bigat na. Kahit na paminsan e – hindi ko na kaya.
Ganon talaga e.
May 29, 2007
2:18 ng hapon